Let's make verdant dreams real.

Bumalik na sa 7.00php (6.00php sa ating mga mag-aaral) ang minimum fare ng mga namamasaheng dyip noong huling linggo. Nakapagtataka siguro sa iba bakit ngayon lang gayong maagang Enero pa nagsimula ang pagbaba ng pandaigdigang presyo ng krudo, pero hindi na ako naninibago: umaabot nga ng taon bago mapasa ang hiling ng mga manggagawa sa sektor ng transportasyon na dagdag-pamasahe. Marahil akala ng marami na pisong matitipid na rin ito, lalo na sa isang tulad kong dumadaan pa sa tatlong pasada bago makarating sa paaralan. Laking gulat ko nang singilin ako ng manininda ng dalawang piso pa para sa isang bote ng Mountain Dew – bawi rin pala ang pisu-pisong akala’y napalaya na.

 

 

Di alintana sa mga gitnang uri ang ganitong karanasan – di tulad ng mga maralitang Pilipino na tagos hanggang sikmura ang mga dagok ng pampinansyang krisis. Tayong mga kabataang mag-aaral, guro, empleyado at propesyonal ay nagagawa pang alpasan ang mga incremental na pagbulusok pababa n gating ekonomiya. Kunot lang ng noo an gating inaabot sa pagpataw ng mga masmamahaling mga bayarin sa tubig, kuryente, at iba pang batayang pangangailangan. Saan pa nga ba nagmula ang imahen ng mga Pilipinong ngumingiti kahit lugmok sa kahirapan kundi sa ating kulturang tiisin sa kronikong kahirapang naging normal na lang sa ating araw-araw na buhay.

 

 

Kung kaya’t sa halip ng gamitin ang tinaguriang “Philippine Ingenuity” upang mabigyan ng makabuluhang solusyon ang pagbulusok ng palitang Piso-Dolyar, ang malikhaing kakayahan ng mga Pilipino ay tinuon nalang sa pagpapa-gaan ng mga pasanin. Nalikha ang Sachet Economy na nagbibigay ng luwang sa badyet ng mga pamilya: ngayon ay mabibili na ng patingi-tingi ang mantika, toyo, sabong panlaba at iba pang batayang produktong pang-tahanan (kahit load para sa SMS!) – ngunit hindi ito nagbibigay ng solusyon na tumutugon sa ugat na problema ng pagtaas ng mga bayarin. Lumilikha ito ng ilusyonadong persepsyon na may kapangyarihang-pambili ang mga Pilipino.

 

 

Hindi na bago sa atin ang ganitong klaseng gawi. Ako man ay tumatangkilik sa Pancit Canton o Siomai value meals sa mga kiosk ng mga manininda, na bagamat alam naman nating hindi sapat ang ganitong pagkain upang makamit ang RDA na minumungkahi ng mga samu’t saring nutritionist ay masmalakas pa rin ang hatak ng malinamnam na lasang maslalong pinapasarap ng abot-kayang halaga. Katunayan, ang ganitong kontradiksyon ay laganap sa mga gitnang-uri.

 

Sa pagnanais nating umangat ang pampinansyang kakayahan ay naghahanap tayo ng mga kaparaanan upang madaling maka-igpaw sa obhetibong kahirapang nararanasan natin kapalit ng mga nararapat. Hindi ba’t patuloy ang panaginip nating makapanalo sa sugal tulad ng Lotto at Sweepstakes kahit na ang statsitika ng tyansa ng pagkapanalo at ng lugi sa paginvest dito ay lantarang sumisigaw na walang lohika ang pagsali dito? Hindi ba’t nauso na ang fast-food lifestyle at kulturang tingi kahit na alam nating darating ang araw na hindi na madadaan sa pagtitipid ang pakikipag-sapalaran sa darwinistikong seleksyon na nagaganap sa lipunang ito? Hindi ba patuloy ang buhay-kapit sa patalim ng parehong gradweyt at hindi gradweyt sa kolehiyo sa pagkakaroon ng mga trabahong salat sa dignidad at wastong bayad tulad ng pagiging care-giver, call-center agent, at OFW?

 

 

Matagal nang alam ng mga Pilipino ang mukha ng kahirapan at pang-ekonomiyang kakapusan bago pa dumating ang pandaigdigang krisis-pampinansya ng Estados Unidos na nagsimula lang mapansin noong nakaraang taon. Matagal ko nang alam na hindi totoo ang pinagsasabi ng mga ekonomista ng gobyerno na ramdam na natin ang kaunlaran. Hindi ba panahon nang lumagpas sa ating simpleng pagkakaalam lang tungkol sa kahirapan? Hindi ba panahon nang tayo’y dapat may pakialam at nakikialam na?

 

 

 

Comments on: "Kahirapan at Krisis Pang-Ekonomiya: Tanaw mula sa Gitna" (4)

  1. Sobra ngang maghanap ng trabaho ngayun ay.

    • I’m taking the [insert adjective indicative of the lack of decent salary pay] NGO route. I’m lucky to have parents who don’t wish me to engage in get-rich schemes and share my socio-political views. Haha.

  2. maeraldine said:

    ..maganda ang blog na ito. nakatulonh ito sa aking thesis statement. maraming salamat!!

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: