Let's make verdant dreams real.

Lumabas sa Talk of the Town section ng Philippine Daily Inquirer noong nakaraang linggo ang artikulo ni Pangasinan Rep. Mark Cojuangco tungkol sa bentahe ng kanyang tinutulak na HB 4631 o ang revival ng Bataan Nuclear Power Plant (BNPP). Talakayin natin ang ilang mga saligang batayang ginamit ni Cojuangco upang isulong ang BNPP revival, at kung paano ito pinapabulaanan ng mga nagsusulong ng pagpigil nito.

Krisis sa Enerhiya?

Ani Cojuangco, esensyal ang Nuclear Energy bilang pagtungon sa tinatayang pagkakaroon ng Pilipinas ng “Energy Crisis” pagsapit ng 2012. Ngunit ayon sa Youth & Students Opposed to BNPP Revival (STOP BNPP Revival), maraming alternatibong energy sources sa Pilipinas na maaaring pagkunan ng enerhiya na masligtas at masmaaasahan kaysa sa Nuclear Energy.

Kung maaalala natin, kakaratipika lang ng Renewable Energy Act noong 2008 upang magbigay insentibo sa paggamit ng mga renewable energy sources. Mahalagang ipunto na stratehiko ang pagiging tropikal na bansa ng Pilipinas sa potensyal nitong gumamit ng mga renewable energy tulad ng Solar, Wind, at Hydropower. Mapagbabatayan din ang heograpiya ng Pilipinas, kung saan ang malawak na bulubundukin ay maaaring pagkunan ng Geothermal Energy, at ang mahahabang coastlines natin ay maaaring pagkunan ng Tidal Energy. Sa dami ng alternatibo, hindi ba nakapagtataka kung ano ang interes ni Cojuangco sa pagtutulak ng Nuclear Energy?

BNPP, Hindi Ligtas

Dagdag ni Cojuangco, feasible ang pagrevive ng BNPP, walang safety issues. Pero ayon sa pagsasaliksik ng National Union of Scientists (NUS) Corporation, isang international group ng mga siyentista mula sa US at Europe, lumabas na nasa 4,000 ang bilang ng iba’t ibang technical defects na mayroon ang BNPP ngayon. Kung pagtitipid din lang ang pagbabatayan ni Cojuangco ng feasibility, bagsak na kaagad ang proyektong ito sapagkat nangangailangan ito ng di kukulang ng $3 Billion sa pagrecomission nito, ayon kay UPM Development Studies Prof. Roland Simbulan. Sabi naman sa artikulo ni Roberto Verzola ng Philippine Greens sa artikulo nito na lumabas sa Talk of the Town ngayong linggo lang, hindi kukulang ng tatlong saliksik ng mga siyentipiko ang nagpakita na masmalaki ang tyansa na magkaroon ng leukemia at iba pang porma ng cancer sa loob ng 5-10km na radius mula sa mga nuclear power plant.

Alalahanin rin natin ang protesta ng ilang mga geologists mula sa National Institute of Geological Sciences (NIGS) ng UP Diliman dahil ang struktura nito ay nakatayo malapit sa fault line. Maliban dito, tatlong dormant na bulkan ang nasa paligid nito, katunayan nga ay nasa base mismo ng Mt. Natib. Huwag rin nating kalimutan ang pinaka-batayang problema ng Nuclear Waste Disposal na hindi pa rin nabibigyang lunas hanggang ngayon.

Nuclear Tax

Masisiguro din daw ng Nuclear Energy ang murang halaga ng enerhiya sa Pilipinas. Saan ba magmumula ang pondong ilalaan sa revival ng BNPP? Pangunahin diyan ang Nuclear Tax, o ang pagsubsidyo ng gobyerno gamit ng tax money ng mga Pilipino. Dito palang ay nilipat na ang responsibilidad ng pagbabayad sa mga mamamayan kaagad. Ani Dr. Giovanni Tapang ng Advocates of Science & Technology for the People (AGHAM), na batay sa mga datos ng DOE, aabot ng P1,800 sa 5 taon ang tax na babayaran ng bawat mamamayang gumagamit ng 300 kwh bawat buwan, wala pa rito ang 12% VAT.

Ang hindi masyadong napapatingkad ay ang posibilidad ng pagsasailalim nito sa Korean Electric Power Company (KEPCO) na tinatayang primaryang magpopondo sa recomission ng BNPP. Mayaman ang karanasan ng Pilipinas sa pagbulusok ng mga presyo kapag pribatisado ang mga batayang industriya, tulad nalang ng nararanasan nating oligopolyo ng Shell, Caltex at Petron sa industriya ng langis.

Imperyalismo sa BNPP

Sa puntong ito, hindi ba nakakagulat ang nabanggit na pagmamay-arian ng dayuhang kumpanya ang BNPP kung sakaling maipatayo ito? May implikasyon ito na ang kikitain ng BNPP ay primaryang pagkakaganansyahan ng KEPCO at hindi didiretso sa pambansang budget ng Pilipinas. Sa unang banda, dapat nating alalahanin na walang reserba ng Uranium sa Pilipinas, kung kaya’t ang pagpapatakbo ng BNPP ay nangangahulugan ng pag-import ng nasabing mineral mula sa mga dayuhang bansa, kabilang na ang US. Usigin natin ang kasaysayan ng pamilyang Cojuangco na nagmumula sa uring malaking burgesya-kumprador, mga nagsisilbing middle-men ng mga multi-national at trans-national companies (MNC’s & TNC’s) dito sa Pilipinas. Hindi kaya ang motibasyon ni Rep. Cojuangco sa revival ng BNPP ay ang pagtingin niya dito bilang isang panibagong business deal?

Sa konteksto ng pandaigdigang depresyon ng mga ekonomiya, ang pagpapaubaya ng industriya sa mga dayuhang imperyalista at pag-asa sa import ng mga ito ng Uranium upang paganahin ang BNPP ay isang kalakarang maslalong ilulubog ang Pilipinas sa piskal na krisis. Ang kailangan natin ay isang pambansang industriya ng enerhiya na tumatakbo labas sa kapit ng mga imperyalistang bansa at korporasyon, na batay sa mga kondisyon ng ating kakayahang panlipunan at pang-ekonomiya.

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: