Let's make verdant dreams real.

Masaya sa Kilusan

Nagiging monotonous lang ang buhay ng isang tao kapag nagpapatuloy siyang pumapaloob sa isang kaayusan na sadyang taliwas sa kanyang expectations. Kung hindi siya gumagawa ng sapat at karampatang aksyon para mabago ang sitwasyong bumuburyong sa kanya. Nagiging mekanikal ang bawat minutong gising dahil hindi siya lumalabas sa kasanayang gawin lang kung ano ang instructions sayo ng lipunan. Tipong tinatamad na pigain ang utak at diwa na maghanap ng malikhaing solusyon sa mga pader ng buhay na nakababangga.

 

Napapaisip tuloy ako kung dapat ba’y nakakaramdam na ako ng guilt — pagkat sa nakalipas na dalawang taon, madalas kundi man palagi akong nakakahanap ng mga rasong kapulutan ng ngiti ang bawat araw ng paggawa. Samantalang makikita mo sa paligid na napakaraming parang pasan ang planeta sa balikat kapag tinanong mo kung kamusta na ang kanilang buhay. Oo, nakaranasan naman ako minsan sa buhay ko ng deja vu moments, pero naalpasan naman ito noong nagsimula na akong maging aktibong myembro ng organisasyong kinabibilangan ko ngayon.

 

 

Ang saya lang maging aktibista, ano? May siyentipikong paliwanag dyan kung bakit.

 

Pero mga pagsasaliksik sa agham na rin mismo ang nagpapakonkreto kung bakit ako masmaligaya sa buhay kumpara sa ibang tao na di-hamak ay mas-payak at banayad ang buhay: masmasaya talaga sa pangkalahatan ang mga aktibista kumpara sa mga taong hindi aktibo sa paglahok sa anumang porma ng pakikibaka. Naaalala ko tuloy yung isa sa mga paboritong quotes namin ng kaibigan at kasama kong si Isabelli mula sa makatang si Romulo Sandoval: “napopoot tayo pagkat tayo’y nagmamahal. Nagmamahal tayo pagka’t tayo’y napopoot.”

 

Poot sa sistema, ang poot na siyang kinauugatan ng paglahok natin sa pakikibaka. Nagmumula sa ating pagsinta sa iba’t ibang antas: pagsinta sa bayan, pagsinta sa kapwa mamamayang pinagkakaitan ng buhay na may dignidad, pagsinta sa kasamang baol ng inspirasyon. Hindi ba’t ang mga damdaming ito ang nagpoproduce ng mga kemikal sa katawan na nagbibigay ng natural high?

 

Nagsusulat ako tungkol dito sapagkat masaya ang araw ko ngayon. Isang oras akong nagnakaw ng tulog mula sa panawagan ng alarm clock ko, isang bagay na sabi muli ng agham (tignan ang #3) ay maganda ang epekto sa kalusugan at disposisyon ng isang tao. Dumiretso sa harap ng laptop para simulan agad ang mga gawain. Napansin sa facebook na kaarawan ng paborito kong guro, si Ma’am Sarah, at tulad ng lagi kong ginagawa para sa mga kinagigiliwang kong tao ay naghanda ng personalized at makabuluhang pagbati:

 

Sabi ni Uncle Ho, "Remember, the storm is a good opportunity for the pine and the cypress to show their strength and their stability." Sa gitna ng unos ng represyon sa akademiya at lipunan sa pangkalahatan, mainam na gunitain ang kaarawan ng isang mahusay na gurong pinakita ang tatag ng matayog na puno ng ating pakikibaka. Maalab na pagbati, Ma'am Sarah! 🙂

 

 

Hindi ko alam kung ako lang ang nakakaramdam ng kasiyahan sa kaisipang naka +1 ka sa mga ngiting dadapo sa mukha ng mga minamahal mo sa buhay. Siguro naman hindi, kaya siguro naman alam niyo kung gaano kagalak ng umaga ko dun lang sa pagbating yun. Lalo kung maaalala mo yung naitulong niya sa pagkatao mo, at yung makauring simpatyang naramdaman mo sa kanyang kinaharap na pader sa buhay.

 

Pagkatapos ng mga inisyal na gawain, dumiretso ako sa forum ng BAYAN at Ibon Foundation hinggil sa G-2o at sa Global Financial Crisis. Mahaba at malaman ang diskusyon ng mga tagapagsalitang nagpalalim sa makasaysayan sa isang banda at napapanahon sa kabila na usapin ng globalisasyon, at malamig ang aircon kahit puno ang conference room na yun sa Balay Kalinaw. Isa man ako sa mga dinadapuan ng antok paminsan-minsan, nasustine ang interes ko sa bagong mga balita, datos at anggulo sa pagsusuri. Naaalala niyo yung poot na nabanggit sa taas? Naramdaman ko yun kanina. Masaya nanaman.

 

Hindi pa tapos ang araw: hindi ko na tinapos ang open forum sa dulo dahil meron pa akong dadaluhang meeting kasama ang mga paborito kong bloggers ng Bayan Muna, si Ren at si Tine, tungkol sa binabalak naming ilunsad na training sa new media. Kasabay nito ang foodtrip sa Kha’s, kung saan natipuhan kong umorder ng Vegetable Samosa at Vegetable Soup. Naalala ko, ang tanghalian ko ay fruit at muesli breakfast bar at isang mansanas. Healthy pala ang kultura ng pagkain ko ngayong araw, nakakatuwang isipin.

 

Nakakatuwa din ang pagpaplano ng ibabahaging kaalaman hinggil sa teknolohiya. Syempre, labas dito ay yung mga kuro-kuro sa buhay naming mga lumalahok sa pakikibaka. Palitan ng war stories, ba. Sabi ko nga noon sa isang status post ko sa facebook, kakaibang excitement ang mararamdaman mo sa isang kinis at mabungang plano. At dahil mura pa ang gabi, dumiretso kami sa katabing tyanggehan ng University Arcade, (sinubukang) umiwas sa mga damit (alang-alang sa kanilang dalawa na natutukso ng damit), bumili ng mga cute na cute na ballpen na may penguin at panda toppers, at napadaan sa mga book sale.

 

Sabi ko, kung inspirasyon ito ng award-winning documentary ni Michael Moore, ibig sabihin tama lang na matukso nito ang interes ko.

May nirekumendang libro si Ren ni Ray Bradbury, ang Fahrenheit 451 na pinagkunan ng inspirasyon ni Michael Moore para sa titulo ng kanyang sikat na dokumentaryo. Tungkol daw ito sa isang panahong malaganap ang literal na “book-burning” — na umabot sa puntong kinailangang isapuso ng ilang mga tao ang mga mahahalagang lathalain, na siyang dahilan bakit sila nais patayin ng naghaharing estado.

 

Napabili tuloy ako, pero ayus lang naman itong puhunan. Ang kultural na kapital na nadudulot ng sining, tulad ng nakaraang pagtalakay ko sa importansya ng pangkulturang paggawa sa kampanya ng climate change, ay ibang dimensyon ang epekto sa mga nababahagian nito. Kung tutuusin, marami kaming nakitang kultural na points of interest dun — maliban sa mga cute-topper ballpens ay nakakita kami ng mga online pop-culture shirts na may disenyong Plants vs. Zombies, Facebook, Farmville at maging yung sikat na poster ng mga pulang M&M’s – the Revolution is Now!

 

Nakakita rin sila ng mga sandals na ginawa sa Marikina — mura nga sila kumpara sa mga kumersyal, ano? Maganda rin naman kaso natatalo talaga ng prop offensive ng mga branded at imported. Huli naming nakita yung isang coffin bag na ang disenyo ay: ang yellow ribbon ni Noynoy Aquino. Pangitain na ba ito? Masayang kaisipan.

 

Umuwi ako sa lutong-bahay ng mga magulang — pansit canton, yung tunay (at palaban, carbohydrates for the people, kumbaga). Uminom ng tsaa at nagbasa ng librong niregalo at hiniram agad kay Isabelli. Binalikan ang facebook na halos buong maghapon kong iniwanan, at nakausap kahit saglit ang isang minamahal sa buhay bilang  pangwakas sa gabi na may ngiti.  Hindi na masama, ano? Sabi nga nila, all in a day’s work.

 

Paano nalang kung nanatili ako sa burgis na pamumuhay na pinanggalingan? Yung mga panahong hindi ka na masapatan sa binibiling anime, magic cards, at iba pang luho sa buhay. Yung mga panahong naniniwala ka pa sa katagang love conquers all at bunsod nito’y nagiging lalong masakit ang pagputok ng lobo. Maraming statements sa buhay ang aakalain mo’y pasong romantisismo lang. Pero meron din talagang sadyang payak na katotohanan lang, tulad nung sinabi nila na nakakabago ng buhay ang kilusan.

 

Dahil sa pagtamasa natin ng simpleng pamumuhay, natututunan nating mapagkunan ng sigasig ang maliliit na kasiyahan ng buhay. Oo: Masaya sa Kilusan!

Advertisements

Comments on: "Masaya sa Kilusan" (4)

  1. Nakatutuwa naman ang naging araw mo… Tama ka, masaya sa kilusan kasi hindi lang pansarili ang kaligayahang habol mo. Mahirap makuntento sa payak na buhay kung wala kang ibang pinagkakaabalahan at, para sa iba, pinaglalaban. Buti na rin at napadpad ako dito, kontra buryong ang mga paghahabol sa gawaing walang katapusan, hehehe

    • Siyang tunay! Ang paborito kong pagsasalarawan na nakalimutan ko na kung kanino sa partikular ko nakuha: masaya ito dahil “edifying” ang pagkilos.

      Ang perfect lang nung salitang yun para dito ano? Napakasaya.

  2. Kamusta naman ang blow-by-blow account ng buong araw mo? 🙂 Pero nakakamiss mag-diary. Masaya naman talaga sa kilusan kaya nga nandito ako. 🙂

    • Matagal-tagal na din kasi akong hindi nakapag-kwento ng personal. Lagi nalang feeling column. Naisip ko since swabeng-swabe ang araw ko na yun, might as well attempt to make it viral. Hehe. 😀

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: