Let's make verdant dreams real.

Diploma ng Bayani

Kwento ng isang doktor na nakatrabaho niya, pinapunta niya daw ang kanyang research assistant sa Institute of Biology ng UP Diliman para hanapin si Dr. Leonard Co. Lahat ng pinagtanungan niya ay nakilala ang pangalan at tinuro siya sa herbarium na paboritong tambayan ni Dr. Co, na may nakapaskil na karatulang “Bless the Mess.” Tunay na magulo daw lagi ang workspace dito — puno ng mga specimen ng iba’t ibang halaman at ng mga dyaryo.

 

Nagulat ang RA nang malaman niyang hindi pa pala nagtatapos si Dr. Co sa kanyang BS Biology na kurso.

 

Si Engineer Mon Ramirez, na merong orihinal na kopya ng manwal na nilathala ng grupo nila Dr. Leonard Co, ay ibinahagi sa aming mula sa bagong henerasyon ng mga progresibo at makabayang siyentista at teknolohista ang legasiya niyang ito. (Ang may hawak nung manwal ay si Rey Casambre, ang gumuhit ng mga illustrations ng mga halaman sa manwal)

 

“Doctor” na nga ang tawag kay Leonardo Co, isa sa mga pangunahing taxonomist at makabayang siyentista sa Pilipinas, dahil sa mayaman na kaalamang naipon nito hinggil sa botany, herbal medicine at iba pang makakalikasan at makakalusugang disiplina sa 56 na taon niya sa mundong ibabaw. Kung tutuusin, masmataas pa ang antas ng kaalaman daw niya kumpara sa mga kontemporaryo niyang Ph.D sa institute.

 

Hindi-pangkaraniwan nga ang pagsasalarawan sa kanya. Kwento ng kanyang itay na maliit na negosyanteng tsino sa Binondo, dalawa lang ang tinuturo niya sa mga magkakapatid na Co at isa na dito ay ang laging maging butihin sa kapwa. Ito na yata ang katangiang bukod tangi kay Dr. Co:ang kanyang malasakit sa mga maliliit na taong natatapakan at ang buong pag-alay ng kaalaman sa agham at teknolohiya para sa ikauunlad ng mamamayang Pilipino.

 

Habang nagpatuloy na lahat ng mga kasabayan nya sa Biology tungong medisina, tatatlo lang daw silang nanatili sa Botany para masiguro ang pagtaguyod ng Botany at iba pang batayang agham. Sa kasagsagan pa ito ng martial law, at sa panahong ito naging kabahagi si Dr. Co ng makabayang kilusang anti-diktadura. Kasama sila sa mga nangampanya para maibalik ang mga student councils sa UP, at may manipestasyon naman ang maka-kapwang pagkatao ni Dr. Co na ito sa kanyang pag-alay ng kaalaman sa mga halaman para sa kilusang makabayan at kontra-diktadurya.

 

Kasama siya sa mga nagtatag ng Liga ng Agham para sa Bayan o LAB – ang underground na samahan ng mga siyentista at teknolohista na lumaban kasama ng malawak na hanay ng masang Pilipino noong panahon ni Marcos.

Gumawa si Mang Mon ng electronic "back-up" ng manwal na ito. Balak naming buuhin ito sa .PDF format.

 

Inaral at tinipon ng grupo ni Dr. Co ang kayamanan ng Pilipinas sa halamang medisinal, at nilabas nga nila ito bilang isang publikasyon kung saan naka-catalog ang iba-ibang species ng halaman, ang kanilang mga katangian, at ang kanilang halaga sa tao. Naging gabay ito para maarmasan ang mga mamamayan sa kanayunan ng alternatibong serbisyong pangkalusugan — kaalamang sa kanila rin naman nagmula.

 

Hindi kinailangan ni Dr. Co ng pormal na pagtatapos para magawa ito. At nakakalungkot isiping nalaman lang ng kanyang mga magulang ang lawak ng naibahaging ambag ni Dr. Co sa taumbayan nang mapaslang siya ng mga berdugong AFP. Sabi nga ng nanay niya, hindi nila lubos akalaing maraming natutulungan ng mga “dahon-dahon” na pinagkakaabalahan niya buong buhay. Mula sa kanyang panahon bilang siyentistang aktibista noong 70’s hanggang sa kanyang pananaliksik sa larangan ng biodiversity at conservation mula 90’s hanggang sa kasalukuyan, naipamalas ni Dr. Co sa walang humpay na pagsandig ng kanyang paggawa sa mga maliliit na tao na tunay nga siyang di-pangkaraniwan.

 

~

 

Marahil ito ang pinakamahalagang aral na napulot ko sa buhay ni Dr. Leonard Co. Isa akong simpleng “advocate” sa larangan ng agham at teknolohiya — ano nga ba ang tsapang maihaharap sa pinagoorganisahang hanay ng mga siyentista, inhinyero at teknolohista? Kikilalanin ba ang aking pagpapaka-dalubhasa sa larangang ito kung wala akong S&T degree hanggang sa Ph.D? Lalo pa’t degree sa BFA Visual Communications lang naman ang maihaharap ko?

 

Pero hindi ba’t ang sentral na tanong naman na kailangang masagot ay hindi ito, kundi: para kanino ba ilalaan ang pagpapaka-dalubhasa sa napiling linya ng paggawa? Dahil tanging ang pagkilala ng mamamayang Pilipino na paglilingkuran ng ating pagiging dalubhasa ang importante: yun ang tatatak sa kasaysayan dahil ang masa, ang masa lamang, ang tagapaglikha ng kasaysayan.

 

Paboritong sipi ng mga tao kay Dr. Leonard Co ito:

“Hindi trabaho ng mga intelektwal na magmemorya ng mga walang kuwentang bagay. Tungkulin ng intelektwal na gamitin ang utak para pag-isipan ang mga bagay.”

 

Sabi ng isang kasama niya sa hanay ng mga makabayan at progresibong siyentista at teknolohista noong panahon nila, may kulang sa pagkaka-quote dito. Ang kadugtong daw nito lagi ay:

“The point, however, is to change it.”

 

Hindi lang ang pag-isip sa mga bagay, kundi ang paglaan ng mga kaisipan sa makabuluhang pagbabago. Idolo nga naman daw niya si Chairman Mao Zedong, sabi ng mga kasabayan niya sa LAB. Sabi rin ng kanyang mga kasabayan, sana ay may magpatuloy ng legasiya ni Dr. Co sa hanay ng mga kabataang siyentista at teknolohista.

 

Hangga’t merong natatapakang maliliit na tao, marahil meron at merong susulpot. Tayong patuloy na mag-aaral at magpapakadalubhasa, hindi para sa pangkaraniwang diploma kundi para sa diploma ng bayani.

Advertisements

Comments on: "Diploma ng Bayani" (4)

  1. kapirasongkritika said:

    Mahalaga din siguro doon sa tanong mong “ano nga ba ang tsapang maihaharap sa pinagoorganisahang hanay ng mga siyentista, inhinyero at teknolohista?” na bukod sa naglilingkod ka sa sambayanan, alam mo ang lugar ng agham at teknolohiya sa lipunan at kasaysayan. Ito siguro ang kikilalanin sa iyo kahit ng pinakadalubhasang siyentista, inhinyero at teknolohista.

    Napakagandang parangal — dahil tumatalab sa pagkatao ng nagbibigay-parangal.

    • Salamat, Teo! Siguro sa older generations, andun yung pagkilala. Nararamdaman ko ito kapag nakakarinig na nababanggit ng mga batikang propesor ang ambag ng aming organisasyon bagamat hindi mga dalubhasa sa akademiya.

      Ibang usapin sa mga bata-bata. Tila nasa pedestal ang mga diploma, lalo ang Ph.D. Alam mo naman, ang peti-B na pagnanais ng pagtangi sa kahusayan. Kahit naman sa hanay nating mga progresibo ay may ganyan pa din.

      Kinailangan ko talagang malathala ito kagabi, bago tumakas lahat ng saloobin ko. Kaya ngayon ko lang kinikinis. Hehe. Salamat sa pag-appreciate ng parangal ko — sabi nila, yung personal touch talaga ang nagbibigay interes sa ating mga blog. 🙂

  2. Sabi nga ng isang Dok, “He doesn’t have to do these things, but he does anyway”. Higit pa ito sa kahit na anong diploma.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: