Let's make verdant dreams real.

Pagliban sa Kasaysayan

Alam ng Siyentista ng Bayan ang kanilang lugar sa kasaysayan: singilin ang responsibilidad ng gobyerno sa edukasyon, agham at teknolohiya.

Sa harap ng papalakas na progresibong kilusan, sabi nila ay parating may kaakibat na matinding reaksyon. Nitong huling linggo ng Nobyembre, Libu-libong kabataan, propesor, magulang, at kawani ng mga state universities and colleges (SUCs) tulad ng Unibersidad ng Pilipinas ang naglunsad ng welga sa kanilang mga paaralan laban sa malaking kaltas sa budget ng gobyerno para sa edukasyon. 4,000 ang lumahok sa strike ng UP Diliman — pinakamarami pa dito ang nagmula sa College of Science sa pamumuno ng mga makabayang siyentista ng Agham Youth.

 

Ang matinding reaksyon: iba’t ibang pamamaluktot at pananabotahe sa kilusan laban sa budget cuts. Halimbawa ang sinasabi ni budget secretary Florencio Abad na wala naman daw talagang budget cut sa edukasyon, syempre ganun din ang sinasabi ng mga kapwa apolohista ng gobyerno na si Sen. Franklin Drilon at Vicente “Tito” Sotto. Tugon ni Kabataan Partylist Raymond Palatino, dapat humingi ng paumanhin ang mga ito sa mamamayang Pilipino — makikita sa datos na meron talagang malaking kaltas sa budget ng SUC’s, at hindi dapat dinadaan sa paglalaro ng datos ang pagpapakalma sa mga nagwewelga.

 

Bukod dito ay ang pag-atake mismo sa mga lider ng kilusang ito. Kapansin-pansin halimbawa ang pag-atake ng mga konserbatibong seksyon ng mga paaralan tulad ng UPD School of Economics — sa personahe na mismo ni Winnie Monsod, kilalang ekonomistang nagsusulong ng kontra-mamamayang polisiyang pang-ekonomiya — sa mga lider-estudyante na naging susi sa pagorganisa ng matatagumpay na mga welga: pag-atake sa kanilang mga pagkukulang sa academic performance at pagtuon ng pansin dito na para bang ito ang pinakamahalagang usapin na kinakaharap ng unibersidad.

 

UP School of Economics: kadlungan ng makakanluraning polisiya sa ekonomiya. Hindi nakapagtataka ang kanilang ginagawa sa konteksto ng progresibong kilusang mag-aaral.

 

Ganito ang stratehiya nila sa mga pinuno ng mga University Student Council sa UP Diliman, UP Manila at mismong sa Student Regent ng buong UP system. Nakapagtataka nga: maraming mag-aaral ang nagagawang mapareconsider ang kanilang mga sarili sa kolehiyo sa harap ng laksa-laksang bagsak, pero sa mga lider-estudyanteng dapat ngang binibigyang palugid dahil sa mabigat na mandato, parang kriminal na kaso na ang pagtrato sa isang singko.

 

Oo, responsibilidad pa rin ng mga lider-estudyante ang kanilang pag-aaral. Pero kung papipiliin ba ang Iskolar ng Bayan sa pagitan ng kanyang responsibilidad sa pag-aaral at sa paglilingkod, saan ba dapat ito pumanig? Hindi ba ang tunay na “Honor and Excellence” ay iyong pagtanggap sa hamon ng panahon na ipagtanggol ang mga demokratikong karapatan ng mag-aaral at ng taumbayan sa dekalidad at abot-kayang edukasyon? Ano ba ang sayang sa binabayad ng mga taxpayer kung ang pagliban sa akademiya ay magsisiguro na bilyon-bilyong piso ang mailalaan sa serbisyong panlipunan imbes ng mailaan ito sa katiwalian at patakarang makakanluranin?

 

Walang sawa kong binabanggit palagi sa pagpapaliwanag: bago tayo nagkaroon ng responsibilidad bilang mag-aaral, meron na agad tayong responsibilidad bilang mamamayang Pilipino. Nauna ito, mauna dapat itong tugunan.

 

Neoliberalismo - yaman ng lahat, pagmamay-ari ng iilan. Karapatan ng iilan.

 

Sabi ni Teo Marasigan, progresibong blogger, nakaugat ang ganitong paglalaan ng badyet sa pamahalaan sa neoliberal na patakarang sinusundan ng mga lokal na alyado ng imperyalistang US — ibig sabihin ay mga patakarang binubukas ang atrasadong lokal na ekonomiya ng mahihirap na bansa sa dambuhalang ekonomiya ng US at iba pang mauunlad na bansa. Kaakibat nito ang mga pampulitika at pangkulturang patakaran na sinisigurong manatiling tambakan ng labis na produkto at pagkukunan ng murang hilaw na materyales at lakas-paggawa ang Pilipinas.

 

Kasama na dito ang pagpapanatiling bansot ang mga serbisyong panlipunan na susi sa pagunlad ng Pilipinas. Kaya wag na tayong magtaka kung bakit ganito at ganito nalang ang reaksyon. Wag na rin tayo magtaka kung bakit mismong mga siyentistang katulad ni Dr. Leonard Co na nagpapanatili sa Pilipinas para makaambag sa panlipunang pagbabago at pagunlad ay nagiging collateral damage nalang sa mga operasyon ng militar. O kung bakit dinudustay ng gobyerno ang simpleng hiling ng mga manggagawa, tulad ng mga unyonista sa PAL at mga Kuliglig drivers sa Manila, para sa kanilang karapatan sa kabuhayan.

 

Nakatatak na sa kasaysayan si Dr. Leonard Co bilang siyentistang naglingkod sa interes ng mamamayang Pilipino - hanggang dulo. Tularan natin siya.

 

Wag na talagang magtaka: nangyayari lahat ito alinsunod sa neoliberal na direksyong tinatahak ng Pilipinas. Hindi nagbago mula sa pagkakadeklara ng huwad na kalayaan sa Pilipinas pagkatapos ng ikalawang digmaang pandaigdigan tagos hanggang ngayon sa rehimen ni Noynoy Aquino: labis na kitang hinihita sa paggawa ng mamamayang Pilipino, pinagmamay-arian ng dayuhan at lokal na makapangyarihan. Sa harap nito, husto lang ang lumiban sa akademiya at lumahok sa kasaysayan. Husto lang na magpatuloy tayong mga progresibong siyentista at teknolohista sa pagmumulat at pagpapakilos sa ating hanay na tumugon sa kilusang lumalaban sa neoliberal na kaayusan.

 

Kung kaya naman hindi pa rin nawawala ang saysay ng mga salitang sinambit ni Lean Alejandro, kilalang lider-estudyante ng UP:

“If personal conviction, theoretical maturity and practical circumstances result in the student’s decision to opt for the higher level of confrontation, let us not be upset about his absence from the class and academe.it would be more tragic if he absent himself from making history.”

Advertisements

Comments on: "Pagliban sa Kasaysayan" (1)

  1. Ang husay… ngayon ay pinag-uusapan muli sa konseho ang resolusyong napagkasunduan na noong nakaraang GA. “Walang resolution na naabot last GA”, “Gumawa na ng independent body…”, etcetera etcetera…

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: