Let's make verdant dreams real.

Binibini, matagal na kitang nakakasama sa paglalakbay mo sa landas ng pagpapanibagong-hubog. Alam kong naninibago ka sa mga bagong responsibilidad na nakukuha sa paglago ng kamulatan, tulad na lamang ng pagiging tagapagtaguyod sa iba’t-ibang linya ng gawain na sabay-sabay, o di kaya ang pakikipagtalastasan na sa masmataas na antas ng pulitika, kultura at panlipunang diskurso — pareho sa kaaway at sa kahanay.

 

Itong huli marahil ang pinakamahirap.

 

Binibini, magandang sa simula’t sapul palang ay maintindihan mo na hindi lahat ng kawalang-lapat sa kongkretong kondisyon ng lipunan ay hinuhubog at kinapipirmihan ng mga mapagsamantala at nagpapasasa lang. Ang pinakamatibay na toreng garing, sabi nga nila, ay ang siyang tinayo ng tao na nagmula sa pagkalubog sa batayang kalagayan. Akala nila, ang panahon nila sa mundo, lalo na sa pagkakalubog nila sa kilusang mapagpalaya, ay sapat na para sila ay magpantas-pantasan. Iyon nga marahil ang susing salita doon — nagpapantas-pantasan.

 

Hindi naman mahirap makita silang iniisip eh alam na ang lahat sa mundo. Bilib sa sarili. Laging pasaring na hindi siya bagkus silang hindi niya nakakapalagayang-loob ang hindi nakakaintindi sa mga katotohanan ng mundo. May arogansya sa mga katulad mong lubog sa panlipunang praktika pero tingin nila ay kulang pa sa kinakaing bigas (ano ulit ang tawag dun? arogansya ng matatanda?).

 

Tulad mo, naharap na ako sa ganitong mga mapangmatang pantas-pantasan sa panahon na hindi pa pulido ang aking mga tanong at sagot tungkol sa buhay at pakikibaka. At tulad mo, ginamit at patuloy na ginagamit ko itong tuntungan ng pagpapaunlad ng kakayahang makipagtalastasan: na magpaguho ng mga tore nilang mga nagpapantas-pantasan.

 

Ano ulet yung sabi dun sa pelikulang Sigwa? “Ang mga taong walang social practice, kung saan-saan humuhugot ng mga kaisipan.” Parang isang palakang nakatira sa balon, akala ang mundo ay ang natatanaw niya lang sa bibig ng kanyang kinatitirahan. Dito mahalagang makilatis kung sino ang naguguluhan lang at kung sino ang tahasang niyayakap nalang ang mga maling kaisipan para manatiling matayog ang kanilang mga tore.

 

Binibini, alam kong naaalala mo at naiintindihan mo, hindi tulad ng mga nagpapantas-pantasan, kung ano ang sagot sa tanong na “Para Kanino?” at kung ano ang pagkakalapat nito sa buhay at pakikipamuhay mo, sa kapwa mag-aaral, sa kapwa mamamayang Pilipino. Kung kaya ganito nalang ang pagnanais mo na maiwasto ang mga maling kaisipan, magawa ang abot ng makakaya, bumaka at makipagkaisa. Minsan naiisip ko na sayang ang oras mo sa pagbangga mo sa mga pader na kasingkapal ng mga pagmumukha ng mga nagpapantas-pantasan (matibay yun, akala mo!).

 

Pero marahil tama na rin ang ganito. Pageensayo sa pakikipagtunggalian. Pagpapahusay ng linya at kultural na pagpapahalaga. Parang kailan lang ay dumaan din kaming mga nauna sa iyo sa panahon na hindi pinapalampas kahit isang yabang, hinanakit, arogansya, o ano pa mang mapaminsalang indibidwalismo (oo, binibini, tama ka na ang indibidwalismo ay nandyan hangga’t may pagsasamantala), kaya marahil natural lang ang dumaan ka sa ganito. Wag lang hayaang matali ka sa ganito: masmahusay ang diskurso sa hanay ng kamulat-mulat, hindi ng nagbubulag-bulagan.

 

Binibini, pinakamatibay ang toreng garing na niyari ng mga nagpapantas-pantasan. Kung kaya’t ito rin ang pinakamatindi gumuho. Binibini, kahit hangal pa ang tingin nila sa atin, ikaw at ako na lapat sa lupang kongkreto ay masmatibay pa sa daanlibong toreng nakatayo sa lupang malabnaw.

 

*Para sayo, Binibini

8:41 PM 04-15-2011

Advertisements

Comments on: "Pinakamatibay ang toreng garing yari ng nagpapantas-pantasan" (5)

  1. Nalungkot ako bigla.

  2. aww. nalungkot rin ako kuya. napaisip ako. hrhr super loike.

  3. Naalala ko na may naging diskurso rin tayo hinggil sa indibidwalismo malamang limot mo na). Inabot-abot rin iyon ng matagal na panahon. Maaring hindi tayo nagkakumbinsihan, pero may respeto pa rin nating natapos ang usapan. Iyon siguro ang wala sa mga pinatutungkulan nito. Sa totoo lang, nahihiya ako kasi hindi ko kayang makipagsabayan sa mga talas ng mga argumento mo.

    Nalungkot ako sa sinulat mong ito, pilit kong iniisip na baka may paraan pa. Malaki ang panghihinayang lalo na at (ayon an rin sa iyo) nakasama naman siya.

    Ang ganda nito, panabibilib mo talaga ako!

    • May nakapagsabi sa akin na hindi lahat ng undesirables sa kilusang masa ay kaaway, at marahil ito na yun. Pero lahat naman ng bagay ay nagbabago. Pero may mga bagay na, sa kasalukuyang kalagayan nito, ay sadyang hindi desirable. Hehe. Oks lang yan Ren, eh di pareho na tayong bilib sa isa’t isa. 😉

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: