Let's make verdant dreams real.

Maalab na pagbati sa lahat ng lumahok ngayon sa Occupy SM North EDSA!

 

Ang ating mga kapatid sa Baguio ay nanawagan sa lahat ng mga nagmamahal sa kalikasan na maglunsad ng pagkilos sa iba’t ibang outlet ng SM bilang pakikipagkaisa sa mga mamamayang tumututol sa planong pagputol ng 182 na punong pine at alnus japonica sa Luneta Hill.

 

Bakit mahalagang maipagtanggol ng mamamayan ang 182 na punong ito? Sinasabi naman ng SM na mahigit 8,000 na ang pine saplings na naitanim nito sa Baguio City mula 2005, at balak nitong magtanim pa ng 10,000 ngayong taon at 50,000 sa susunod na tatlong taon. Pinagmamalaki nito ang green architecture na gumagabay sa disenyo ng mga pasilidad ng SM, tulad ng mga bamboo at iba pang plant species na malakas humigop ng carbon dioxide at iba pang air pollutants. Ang bagong struktura na itatatag ng SM Baguio ay tutulong daw sa pagpapatatag ng ng lupa laban sa erosion, sa konserbasyon ng tubig at enerhiya, at iba pang benepisyo sa kapaligiran.

 

Simple lang naman ang ating sagot sa SM: kung tunay ngang makakalikasang prinsipyo ang gumagabay sa pagpapaunlad nila ng pasilidad, gawin na ang lahat wag lang ang pagtanggal sa mga punong ito! Bihirang maging 100 porsyento ang survival rate ng mga tree sapling, at umaabot ng dekada bago maging mature ang mga sapling na ito, kung kailan lubos na makakapagbigay ng mga serbisyong ekosistema tulad ng regulasyon ng hangin, pag-ipon ng tubig at pagpapatatag ng lupa. Idagdag pa na ang karaniwang survival rate lang ng mga Pine Tree ay 21.5 porsyento.

 

Parang pinatay mo na rin ang iilan nalang sa natitirang tumpok ng mga puno sa Baguio City, na kilala sa pagkakaroon ng pinakamaduming hangin sa buong Pilipinas at matagal nang nakakaranas ng krisis sa tubig. Kilala rin ito bilang City of Pine Trees, pero matatawag mo pa ba ang Baguio na ganito kung hahayaan ang pagtabas sa mga Pine Trees na ito? Ang mas importanteng tanong dito: bakit napakadali sa mga katulad ng SM na pagpasyahang putulin ang mga matatanda at matatayog na puno sa konteksto ng kritikal na kalagayan ng ating mga kagubatan sa Pilipinas?

 

Naalala ko tuloy noong bata palang ako, dinadala kami ng mga magulang sa Super Sale Club na dating nakatirik doon sa parking lot ng SM sa tabi ng Lung Center. Kapag may panahong gumala, nagagawi kami minsan sa Annex. Doon kadalasan kong nakikita yung piket ng mga manggagawa ng SM na nananawagan ng dagdag benepisyo at pagkilala sa ilang batayang karapatan ng mga manggagawa. Pero alaala nalang ito. Nakita ko nalang sa facebook yung mga lumang larawan ng mga manggagawang marahas na pinagpupukpok at pinalayas ng security ng SM. Ilang beses na daw itong binubuwag mula 1990 hanggang 2003. Hindi ako magtataka kung bubuwagin din tayo dito.

 

Dun ko nakita ang rason kung bakit napakadali para sa SM na putulin ang mga Pine Trees. Kung gaano kadaling ibalewala ang mga karapatan ng mga manggagawa sa regularisasyon, freedom of association at iba pang benepisyo sa ngalan ng tubo, ganun din malamang sa pagbalewala sa karapatan ng mga mamamayan sa serbisyong hangin, tubig, lilim at pangkultura. Kahit ilang libong canvas bag, LED lights, pine saplings at sponsorship sa Earth Hour pa ang gawin ng SM, hangga’t hindi nito permanenteng lubayan ang mga heritage pine trees sa Baguio, hindi maniniwala ang mamamayan na sinsero ito sa pag-aalaga ng kapaligiran at kalikasan.

 

Wag na dapat nitong hintayin ang pagtatapos ng Temporary Environmental Protection Order: permanente na dapat nitong iatas ang pagpapatigil sa Tree-balling nito. Walang ibang magbabantay dito kundi tayong mga prinsipyadong makakalikasan at mamamayan. Sa lahat ng pagkakataon na kaya nating magdagdag ng boses sa paghimok sa SM na ituwid ang pagtrato nito sa kalikasan at mamamayan, wasto lang na sunggaban natin ito. Kaya muli kong binabati ang mga dumalo sa ating pagkilos ngayong araw. Patuloy nating singilin kay Henry Sy at sa buong korporasyong kaharian nito sa SM: cut your greed, not our trees!

 

Maraming salamat at magandang araw sa atin.

SM North EDSA
13 April 2012

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: